Ambag ng agham panlipunan at kaalamang-bayan sa disaster risk management [i]

Ni Jem R. Javier
Departamento ng Linggwistiks, College of Social Sciences and Philosophy

Masasabing ang naging susi upang magkaroon ng paradigm shift sa disaster risk management sa Pilipinas ay ang pananalanta ni Ondoy noong 2009. Mula sa relief at response na prinsipyo (na isinabatas noong 1978 sa bisa ng Atas ng Pangulo Blg. 1566, nilagdaan ng noon ay Pangulong Marcos) patungo sa disaster risk management (Batas Republika Blg. 10121, nilagdaan noong 2010), mapapansin ngayon ang pagbibigay ng higit na halaga sa mga gawaing may kinalaman sa paghahanda sa panahon ng sakuna.

Isa sa mga prinsipyong gumagabay sa mga tanggapan ng pamahalaan, NGO, at iba pang ahensyang pambansa at internasyonal, ay ang ideyang tumitingin sa hazard at vulnerability bilang mga salik na dapat isaalang-alang sa pagbibigay-kahulugan sa disaster. Ang hazard ay maaaring dulot ng tao at/o kalikasan samantalang ang vulnerability naman ay ang sosyo-ekonomikong kalagayan ng pamayanan na maaapektuhan ng sakuna. Mapapababa ang disaster risk ng isang pamayanan kung mapatataas ang capacity o kakayahan nitong mapaghandaan ang paparating na disaster at makatugon sa mga suliraning magiging kaakibat nito.

Kamakailan ay napagtibay ang isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Unibersidad ng Pilipinas at Université Catholique de Louvain na magtataguyod at magpapaunlad ng pananaliksik ukol sa katutubong pakikibagay o indigenous adaptation and resilience sa mga likas na bantang panganib o natural hazard. Sa ilalim ng MOU na nabanggit, nagbigay-daan ang research project na pinamagatang, “Local Adaptation, Resilience, and Interpretation of Socio-natural Hazards and Environmental Management in the Philippines” [i] ng UP at mga unibersidad mula sa Belgium at Canada upang mabigyan ng pagkakataong mapagtuunan ng pansin ang mga napapanahong usaping kinakaharap ng bansa gaya ng disaster risk management. Sa ilalim ng proyektong ito nabigyan ng grant ang ilang mananaliksik gaya nina Kerby Alvarez ng UP Departamento ng Kasaysayan, Janine Ochoa ng UP Departmento ng Antropolohiya, Benigno Balgos ng Center for Disaster Preparedness, at Lou Angeli Ocampo ng UP Departamento ng Geografia, upang kumuha ng PhD sa Belgium at Canada habang itinataguyod ang kani-kanilang pananaliksik na may kinalaman sa usaping pangkapaligiran sa Pilipinas. Inaasahang ang mga resulta ng kanilang pananaliksik ay lubusang makatutulong sa mga policymaker ng bansa sa pagtugon sa disaster, isyung sa kasalukuyan ay hindi mapasusubaliang nangangailangan ng kapwa daglian at pangmatagalang lunas.

Kaagapay ng mga policymaker ang mga mananaliksik lalo na yaong mula sa social sciences at natural sciences upang tuwirang makakuha ng impormasyon hinggil sa katangian ng lugar, paraan ng pamumuhay, at iba pa.

Sa pagbuo ng polisiya, hindi maaaring isantabi ng mag-aakda nito ang mismong stakeholders ng patakarang may kinalaman sa disaster risk management. Sa kasalukuyan, hindi na lamang ang pisikal na anyo ng lugar at sosyo-ekonomikong kalagayan ng mga mamamayan ang isinasaalang-alang; tumitingkad na rin ang pangangailangang ungkatin ang kultura ng mga mamamayan, ang tuon ng pananaliksik sa ilalim ng mga disiplina sa agham panlipunan. Nakapaloob dito ang kanilang mga paniniwala, kaalamang-bayan, at tradisyon, at maging ang paraan ng pagpapangalan at kategorisasyon ng mga material culture sa pamamagitan ng kanilang sariling wika. Sinasalamin ng mga lokal at katutubong kalaaman na ito ang kolektibong gunita (collective memory) ng etnolinggwistikong grupo, na hinango sa kanilang karanasan sa nakaraan at nagpasalin-salin sa mga henerasyon. Mula rito ay makikita ng isang social scientist ang ugat ng kanilang pagpapahalaga sa lugar (kung kaya may ilang hindi magawang mag-evacuate mula sa kanilang tirahan sa kabila ng banta ng panganib), interpretasyon sa sakuna (parusa o kamalasan o imbalance sa mga realm ng pamayanan), at tugon sa mga phenomenon (cliché man, subalit karanasan pa rin ang pinakamainam na titser).

Sa pagdodokumento ng mga lokal at katutubong kaalaman ng mga etnolinggwistikong grupo sa Pilipinas, lumilinaw na ang pamayanan ay isang entity na nag-iisip, nakikibagay sa paligid, at may karanasan at kasaysayan na pinagdaanan, mga bagay na dapat isaalang-alang sa paggawa ng patakarang sila rin ang maaapektuhan, o makikinabang. Ang mga impormasyong ito ay mahalaga sapagkat mas mailalapit ang isasagawang pananaliksik at lilikhaing patakaran sa mismong stakeholders, upang higit nila itong maunawaan at nang sa gayon ay maging ganap ang pagbawas kung hindi man tuluyang pagkawala ng panganib na dulot ng disaster.

 


 

[i] Ang artikulong ito ay produkto ng pakikipaghuntahan ng may-akda sa isa sa mananaliksik sa Centre for Disaster Preparedness at isa sa mga grantee ng Belgian-Canadian-Philippine PhD grant na si Benigno Balgos.

[ii] Hinuha ang impormasyon ukol sa research project at mga grantee ng PhD grant mula sa Facebook page ng UP Department of Anthropology: https://www.facebook.com/pages/UP-Department-of-Anthropology/247528895291816

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s